Nanawagan si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gamitin muna ang “flu vaccines” sa mga Pilipino bilang dagdag na immunity habang wala pa ang COVID-19 vaccines.
Ayon kay Herrera, ang pagsasagawa ng flu vaccination ay makakatulong para tanggapin ng publiko ang COVID-19 vaccines.
Paliwanag ng mambabatas, sa ganitong paraan ay mawawala ang alinlangan sa bakuna lalo pa’t marami sa mga Pilipino ang hindi pa handa sa COVID-19 vaccine.
Bukod dito, makapagbibigay din ng dagdag na “bystander immunity” o proteksyon para makaiwas at labanan ang mga sintomas ng coronavirus disease.
Mainam din aniya ang flu vaccines lalo na sa mga kabataan na hindi pa kasama at mababakunahan mg COVID-19 vaccine.
Dapat anyang kaagad magsagawa ng roll out ng flu vaccine para sa mga health frontliners, kabataan, at senior citizens.