Ayon kay Quimbo, kailangan na ang pagkakaroon ng panibagong stimulus package upang makaagapay sa pagbagsak ng kita at pagtaas ng presyo ng pagkain.
Sa kanyang bersyon ng Bayanihan 3, P400 bilyon ang kailangan na ilaan ng gobyerno, kung saan P330 billion dito ay para sa COVID-19 response at P70 bilyon naman sa disaster response.
Kasama sa P330 bilyon ang dagdag na pondo para sa COVID-19 vaccines dahil kulang pa rin aniya ang P82.5 bilyong inilaang budget para sa bakuna ngayong taon para mabakunahan ang 70 milyong Pilipino.
Kailangan din aniya na gumastos ang Department of Health (DOH) para sa information campaigns nito para mahikayat ang mga Pilipino na magpaturok ng bakuna matapos na mapaulat ang mataas na hesitancy rate ng publiko sa COVID-19 vaccines.
Bukod dito, mahalaga ring mabigyan pa ng ayuda ang mga pamilya at maging ang mga maliliit na negosyo, pati na rin ang mga magsasaka na nakakaranas ng matinding pinsala sa kanilang mga tanim at alagang hayop.
Noong 2019, ayon kay Quimbo, bago nagkaroon ng pandemya, ang spending growth ng pamahalaan ay nasa 8.7 percent na pero bumagsak ang ekonomiya dahil sa public health crisis kaya naging 10.38 pecent lamang noong 2020.
Tumaas nga ito subalit napakaliit pa rin na paggastos ito sa panahon na bagsak ang ekonomiya ng bansa.
Ang Pilipinas aniya ang siyang may pinakamababang gingagastos na pera sa ASEAN region pagdating sa COVID-19 response, bagay na dapat baguhin upang sa gayon ay makabangon na ulit ang ekonomiya.