Senado, kinalampag ni Speaker Velasco upang ipasa ang panukala para sa waste-to-energy

Photo credit: House of Representatives of the Philippines/Twitter

Hinimok ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Senado na ipasa na ang panukala na nagpapahintulot sa paggamit ng waste-to-energy technologies para makatulong sa pagresolba sa problema sa basura.

Ayon kay Velasco, panahon na para ikonsidera ng pamahalaan ang pagkakaroon ng waste-to-energy technologies sa mga treatment at disposal ng solid waste ngayong malapit nang mapuno ang landfills sa bansa.

Sa paggamit aniya ng nasabing teknolohiya, ang basura ay maaring gawing enerhiya, dahilan para mabawasan ang dami ng mga basura na napupunta sa landfills, at nakakabawas din sa negative impact sa kalikasan.

Nobyembre 24 noong nakaraang taon nang aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 7829 o ang “Waste Treatment Technology Act”, habang pending naman sa second reading ang Senate version nito.

Layon ng panukala na payagan ang paggamit ng anumang waste-to-energy technology, kabilang na ang incineration, sa kondisyon na hindi ito naglalabas ng nakakalason o toxic fumes.

Kapag naging ganap na batas, aamyendayan nito ang Republic Act No. 8749 o ang Clean Air Act of 1999 sa pamamagitan nang pag-repeal sa Section 20 na pumapayag sa paggamit ng incineration para sa waste-to-energy purposes.

Read more...