Baguio celebrity party, iniimbestigahan na rin ng DOT sa protocol violations

Photo credit: @officialtimyap/Instagram

Nagsasagawa na rin ang Department of Tourism (DOT) ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na party sa Baguio City dahil sa mga paglabag sa health protocols ng mga bisita.

Sa inilabas na pahayag ng kagawaran, ang kanilang Cordillera Region office ang nag-iimbestiga sa party sa Camp John Hay, na inisyuhan na rin ng “notice to explain.”

Umani ng puna at batikos ang party na inorganisa ng kilalang social media personality na si Tim Yap matapos mapansin ng netizens ang hindi pagsusuot ng mask ng ilan sa mga bisita at hindi rin nasunod ang social distancing.

Humingi na ng paumahin si Yap sa pangyayari at sinabi nito na ang lahat ng mga bisita ay may negatibong swab test result.

Pag-amin ni Mayor Benjamin Magalong, mismong siya ay napansin ang paglabag sa health protocols ng ilang bisita.

Kasama ang kanyang misis, dumalo ang itinalagang contact tracing czar sa pagtitipon at aniya, maging sila ay iniimbestigahan na rin ang pangyayari.

Read more...