Mga miyembro ng Philhealth hindi apektado sa pagpigil sa premium hike – Rep. Quimbo
Pinawi ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pangamba na malalagay sa panganib ang financial status ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth sakaling masuspinde ang nakaambang pagtaas sa premium contribution ng mga miyembro nito.
Ayon kay Quimbo, na isa ring ekonomista, mayroong reserbang pondo naman ang Philhealth na nagkakahalaga ng P163 billion hanggang November 2020.
Mayroon din anyang inaasahang koleksyon ang Philhealth mula sa direct contributors para sa taong 2021, na nagkakahalaga ng P86.8 billion.
Dahil dito, sinabi ni Quimbo na kahit may suspensyon sa pagtaas ng premium, kayang-kayang itong maisalba ng reserbang pondo.
Higit sa lahat, sinabi ng kongresista na ngayon ay patuloy pa rin ang COVID-19 pandemic kaya kailangang matulungan ang mga kababayan natin na matustusan ang kanilang mga pangangailangan at gastusin.
Nauna nang nakalusot sa ikalawang pagbasa ang House Bill 8461 na nagsusulong na mabigyang-kapangyarihan ang presidente na suspendihin ang Philhealth premium increase.
Sa ilalim ng panukala, aamyendan ang RA 11223 o Universal Health Care law kung saan nakasaad ang premium hike sa Philhealth.
Partikular na aamyendahan ang Section 10 ng batas kung saan nakatakdang tumaas ng 3.5% ang premium rate contribution sa mga Philhealth members ngayong 2021, mula sa kasalukuyang 3%.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.