Pagbaba ng height requirement sa gustong maging miyembro ng PNP, BJMP, BFP at BuCor, lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara
Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukala para ibaba ang minimum height requirement ng mga nais maging miyembro ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Corrections (BuCor).
Sa ilalim ng House Bill 8261 o ‘PNP, BFP, BJMP and BuCor Height Equality Act’ ay inaamyendahan dito ang Republic Act 6975 o ang “Department of the Interior and Local Government Act of 1990”, ang Republic Act 9263 o ang “Bureau of Fire Protection and Bureau of Jail Management and Penology Professionalization Act of 2004 at ang Republic Act 10575 o “Bureau of Corrections Act of 2013”.
Sa mga nais maging PNP, BFP, BJMP at BuCor personnel, itatakda na sa 1.57 meters ang minimum height requirement sa mga lalaki mula sa kasalukuyang 1.62 meters habang 1.52 meters naman sa mga babaeng aplikante mula sa kasalukuyang height requirement na 1.57 meters.
Mababatid na sa mga naunang pagdinig ay nakikita ang limit sa minimum height requirement na isang discriminatory act, unlawful at hindi rin sukatan ang taas at laki para mapatunayang karapat-dapat ang isang tao sa propesyon.
Matatandaang ilang bansa na rin tulad ng United States, Great Britain, Australia at New Zealand ang ibinasura na ang height standards at pinalitan ito ng ibang indicators tulad ng body mass index at physical aptitude test na mas mainam na sukatan kung karapat-dapat ba ang isang aplikante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.