Konsultasyon sa mga magsasaka ng baboy at manok kailangan bago ang isinusulong na price freeze

(Kuha ni Jun Corona)

 

Dapat munang magkaroon ng pulong ang pamahalaan at ang sektor ng agrikultura kaugnay sa isinusulong na price freeze sa baboy at manok. Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, kailangang magkaroon ng konsultasyon ang pamahalaan kasama ang iba’t-ibang grupo gaya ng mga magsasaka (magbababoy o magmamanok), bago magpairal ng price freeze sa mga produkto. Ang sektor aniya ng agrikultura lalo na sa mga probinsya ay matinding tinamaan ng epekto ng Covid 19 pandemic. Bukod dito, marami rin sa mga magsasaka at kanilang sektor ang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad noong nakalipas na taon at ngayon lamang bumabawi. Giit ni Ong, kailangang pakinggan muna ng gobyerno ang boses o sentimyento ng mga lokal na magsasaka at pagkatapos ng malalimang pag-aaral ay magpasya ng tama at balanse. Sa kasalukuyan, nasa halos P400 na ang presyo ng kada kilo ng baboy, na dahil sa banta ng African swine fever at sa kakulangan ng suplay ng baboy. Tumaas naman ang demand sa manok kaya nagtaas-presyo rin ito, mula P190 hanggang P200 ang kada kilo. Reaksyon ito ng mambabatas sa pahayag ng Department of Agriculture na isusulong nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price freeze dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa merkado.

Read more...