Mga nabiktima ng sunog sa Zamboanga City, tumanggap ng tulong mula kay Sen. Go
Hinatiran ng tulong ng tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga biktima ng sunog sa Barangay Tetuan, Zamboanga City.
Namahagi ang team ng senador ng pagkain, financial assistance, food packs, vitamins, face masks, at face shields sa 154 pamilya.
Isinagawa ang aktibidad sa Tetuan Central School kung saan tiniyak ang pagsunod sa health and safety protocols.
“Dalawa po ang hinaharap natin na krisis ngayon, ‘yung disaster na dulot nitong pandemya na COVID-19 at saka itong sunog. Alam ko po na mahirap ang pinagdadaanan ninyo, pero kaunting tiis lang po, mga kababayan ko, malalampasan natin ito basta magtulungan lang tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung ‘di tayo lang pong mga kapwa Pilipino,” ayon sa senador.
Namigay din ang senador ng bisikleta sa ilang piling benepisyaryo para magamit nila sa kanilang araw-araw na pagpasok sa trabaho lalo ngayong mayroong pandemya ng COVID-19 at limitado lamang ang public transport.
May ilan ding tumanggap ng sapatos mula sa senador.
Habang ang iba ay tumanggap ng computer tablets mula sa senador para magamit ng mga estudyante sa kanilang online classes.
“Mga estudyante, mag-aral kayo ng mabuti dahil ‘yan lang po ang puhunan natin, ang edukasyon. At ‘yan po ang magpapasaya sa inyong mga magulang, pakonsuwelo nila ‘yan na nagpapakamatay para makapag-aral lang ang kanilang mga anak bagama’t distance learning tayo ngayon. Ang importante po, makapag-aral at makapagtapos kayo dahil kayo po, mga kabataan, ang pag-asa ng ating bayan,” payo ng senador.
Kasabay nito, hinimok ni Go ang mga residente lalo na ang mayroong medical conditions na lumapit sa Malasakit Center na nasa Zamboanga City Medical Center.
Ayon kay Go, ang Malasakit Center ay one-stop shop kung saan naroroon ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, PhilHealth at Philippine Charity Sweepstakes Office para mahingian ng tulong ng mga pasyente at kanilang pamilya.
“Hindi niyo na kailangan lumabas ng ospital para lang humingi ng tulong. Hanapin niyo lang po sa inyong ospital ang Malasakit Center. Para ‘yan sa poor and indigent patients, walang pinipili ‘yan, basta Pilipino ka,” paliwanag ni Go.
Sa isinagawang aktibidad, may mga kinatawan din ng DSWD na namahagi ng family kits at financial assistance sa mga biktima ng sunog.
Habang ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry at National Housing Authority ay nagsagawa ng assessment sa mga apektadong pamilya para sila ay mapagkalooban ng livelihood at housing assistance.
Ang mga kinatawan naman ng Department of Labor and Employment ay nagsagawa rin ng assessment para sa magiging benepisyaryo ng kanilang livelihood program para sa displaced o disadvantaged workers.
Habang ang Department of Agriculture ay namahagi ng vegetable seeds sa mga apektadong pamilya.
Nag-alok din ang Technical Education and Skills Development Authority ng carpentry training kung saan ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng allowance, materials, plywood, plain sheets para sa roofing at mga pako.
“Kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, basta kaya ko lang po. Makapagbigay lamang po ng kaunting solusyon, makapagbigay ng tulong sa inyo sa panahon ng sakuna, at hindi lang po yan, importante po sa amin ang makapag-iwan ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” sinabi ni Go.
Nagpasalamat naman si Go kay Zamboanga City Mayor Maria Isabelle “Beng” Climaco at kay Tetuan Punong Barangay Martin Waldo Atilano at sa iba pang opisyal ng barangay.
“Ma’am Beng, maraming salamat po sa inyong tulong, lalong-lalo na po sa kampanya laban sa COVID-19. Magtulungan lang tayo, ma’am, para malampasan natin ang pandemyang ito,” mensahe ni Go kay Climaco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.