Taas singil sa kontribusyon sa Philhealth, pinatitigil ni Senador Bong Go
Naghain na ng panukalang batas si Senador Bong Go para ipagpaliban ang pagtataas ng singil sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Sa ilalim ng Senate Bill 2000, idinidiga nito na bigyan ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na suspendihin ang naka-schedule na taas singil sa Philhealth.
Ayon kay Go, chairman ng Senate committee on Health, hindi napapanahon ang taas singil dahil may kinakaharap pa na pandemya ang Pilipinas sa Covid 19.
“Mag-focus muna tayo kung paano matutulungan ang mga kababayan nating nangangailangan dahil sa Covid 19 crisis. Sa panahon ngayon, kailangan nating isaalang-alang muna ang pangangailangan nila,” pahayag ni Go.
Apela ni Go, saluhin na muna ng pamahalaan ang pagpopondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
“Lalo na ngayon na nasa health emergency ang bansa, nawawalan ng kakayahan ang mga Filipinong magbigay ng dagdag na kontribusyon dahil sa krisis. Sabi nga nila, in this time of crisis, every sing peso counts,” pahayag ni Go.
Marso 2020, nagpalabas ang Philheath ng Circular Number 2020-005 na nagtataas ng kontribusyon.
“Huwag na natin munang dagdagan ang pasakit ng taong bayan. Kung kaya naman, ang gobyerno muna ang sumalo sa kailangang pondo ng Philhealth para maimplementa ang maayos ang Universal Health Care Law,”pahayag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.