Sa ilalim ng proposal ni House Speaker Lord Allan Velasco, nais nito na amyendahan ang Section 10 ng Universal Health Care Act kung saan nakatakdang tumaas ngayong 2021 sa 3.5 porsyento mula sa kasalukuyang tatlong porsyento ang premium rate contribution sa PhilHealth members.
Nakasaad sa panukala na bibigyang kapangyarihan ang Pangulo na i-defer o suspendihin ang scheduled PhilHealth premium rate contribution matapos ang konsultasyon sa mga kalihim ng Department of Finance (DOF) at sa Department of Health (DOH).
Ikinukunsidera sa pagpapatupad ng suspensyon kapag may national health emergency lalo na kung nakasalalay dito ang kapakanan ng publiko.
Iminungkahi naman ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na bigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na i-defer ang annual incremental sa premium rate ng PhilHealth tuwing may national health emergency habang ang presidente naman ang mga poder para ibalik ang dagdag na kontribusyon.