Pagtalakay sa amyenda sa economic Cha-cha, target na agad matapos ng komite sa Kamara

Minamadali na ng House Committee on Constitutional Amendments ang pagtalakay sa amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sinabi ni Rep. Alfredo Garbin Jr. na dalawa hanggang tatlong committee hearings na lamang ang kanilang idaraos patungkol sa House Resolution of Both Houses No. 2, na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congres.

Hangad aniya nila na pagsapit ng Pebrero ay maiakyat na ito sa plenaryo ng Mababang Kapulungan para sa ikalawang pagbasa.

Samantala, nilinaw naman ni Garbin na hiwalay gagawin ang botohan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa mga itinutulak na amyenda sa Saligang batas.

Naayos na aniya ang isyu patungkol sa kung paano isagawa ang botohan sa economic Cha-cha matapos na lumagda ang lider ng iba’t ibang political parties sa Kamara kamakailan sa isang manifesto of support sa House Resolution of Both Houses No. 2.

Sa pagdinig ng kainyang komite kamakailan, ilang kongresista ang nagrekomendang gawin na lamang joint ang botohan ng mga mambabatas para sa proposed amendments sa Cha-cha.

Ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, hindi naman kasi nakasaad sa Saligang Batas na kailangan talagang gawin nang magkahiwalay ang botohan.

Bukod sa mas madali, mas matitiyak aniya na magiging matagumpay ang Cha-cha kung magkasabay ang botohan.

Para maisulong ang Cha-cha, kailangan nang three-fourths vote ng mga miyembro ng Kongreso, na nag-convene bilang Constituent Assembly.

Read more...