1 patay, 3 sugatan matapos magpaputok ng baril ang pwersa ng pulisya at militar laban sa mga nagbarikadang magsasaka sa Kidapawan City

By Mariel Cruz April 01, 2016 - 02:09 PM

Kidapawan 1
Photo from Kilab

Nauwi sa madugong tensyon ang ipinatupad na dispersal ng pwersa ng Philippine National Police (PNP) at militar sa mga magsasakang nagbarikada sa Davao-Cotabato national highway kaninang umaga sa Kidapawan City.

Batay na inisyal na impormasyon na nakalap ng grupo ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares mula sa kanilang miyembro na nasa Kidapawan City, isa ang patay habang hindi bababa sa tatlumpu ang sugatan nang magpaputok ng baril sa mga magsasaka ang mga pulis habang isinasagawa ang dispersal.

Ayon kay Pedro Arnado, ang chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas Cotabato chapter at nangunguna sa kilos protesta, inutusan sila ng mga pulis na lisanin na ang lugar.

Nanindigan aniya sila na hindi aalis hangga’t walang natatanggap na ayuda mula sa gobyerno.

Kidapawan 2
Photo from Kilab

Ngunit matapos aniya ang ilang minuto, nagpakawala na ng tubig ang mga bumbero at lumapit ang mga riot police sa mga magsasaka kung saan pinaghahampas sila ng baton.

Dito na din aniya nagsimulang magpaputok ng baril ang mga pulis.

Dahil dito, kinondena ni Colmenares ang bayolenteng ginawa sa mga magsasaka.

Inihalintulad ni Colmenares ang naturang insidente sa Mendiola at Luisita massacre kung saan mga magsasaka rin ang naging biktima.

Simula noong Miyerkules, hinarangan ng aabot sa anim na libong magsasakang apektado ng tagtuyot na humihingi ng ayuda partikular na ng bigas ang Davao-Cotabato highway sa Kidapawan City.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.