Pangulong Duterte, inatasan si Galvez na ipaalam sa Senado ang mga pinasok na kasunduan sa pagbili ng COVID-19
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ipaalam sa Senado ang mga kasunduang pinasok ng gobyerno sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.
Kinumpirma ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na nagkausap sila ni Pangulong Duterte at ipinag-utos na nito kay Sec. Galvez na ilatag kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang lahat ng nasa mga kasunduan sa layuning magkaroon ng transparency.
Sinabi ni Sen. Go na nagkausap na rin sila ni Sotto hinggil dito.
Kasabay nito ay umapela si Sen. Go kina Pangulong Duterte mismo at kay Senate President Sotto na magkaisa na para masimulan na ang pagbabakuna.
Una nang sinabi ni Galvez na handa siyang isiwalat sa Senado ang nilalaman ng mga negosasyon o magkaroon sila ng tinatawag na conciliation pero sana aniya ay magkausap muna sila bago ang pagdinig sa Biyernes, para magkaroon sila ng tinatawag na ‘labelling of information.’
Gusto rin aniya niyang magkaroon muna sila ng senado ng harmonization para makita kung anu-ano ang magkakaibang impormasyong hawak niya sa hawak ng Senado.
Binigyang diin ni Galvez na sa panahon ng pandemya, mahalagang magkaroon ng magandang kooperasyon ang Senado at Ehekutibo para magkaroon ng tinatawag na whole of nation at whole of government approach.
Pakiusap lamang ni Galvez sa Senado, huwag sanang labagin ang non-disclosure agreement at gawin ang paglalatag ng nilalaman ng kasunduan sa executive session.
Isa sa gustong malaman ng mga senador ay ang presyo ng mga bakuna ng mga manufacturer na kinakausap ng gobyerno, para makita kung alin-alin dito ang mahal at may mababang presyo at dapat na iprayoridad na bilhin ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.