Binabantayan ng PAGASA ang namuong low pressure area o LPA na nasa pagitan ng Visayas at Southern Luzon.
Nabuo ang LPA Silangang bahagi ng Visayas, Martes ng madaling-araw (January 19).
Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, namataan ang LPA sa layong 65 kilometers East Southeast ng Masbate City, Masbate bandang 3:00 ng hapon.
Mababa aniya ang tsansa na maging bagyo ang naturang sama ng panahon.
Sa mga susunod na oras, asahan aniya ang pagtawid ng LPA sa pagitan ng southern Bicol at Panay Island.
Ani Estareja, magdadala ang LPA ng katamtaman hanggang mabigat na pag-ualn sa sa malaking bahagi ng bansa kabilang ang Eastern Visayas, Bicol region, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, at Quezon province.
Magkakaroon din ng kalat-kalat na pag-ulan sa Central at Western Visayas, Caraga region, Occidental Mindoro, at natitirang bahagi ng CALABARZON.
Nagbabala si Estareja na bunsod nito, maaaring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lalawigan.
Patuloy namang umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Magdadala ito ng maulap na papawirin at pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Moutain Province, Ifugao, Nueva Ecija, Bulacan at Aurora.
Samantala, umiiral pa rin ang Tail-end of Frontal System sa eastern section ng Southern Luzon.
Mayroon ding cloud clusters sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao na nagdudulot ng pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.