NTC, nagpalabas ng show cause orders vs internet service provider

Nagpalabas ng show cause order ang National Telecommunications Commission (NTC) sa internet service providers (ISPs) dahil sa kabiguan ng mga itong masawata ang paglaganap ng child pornography.

Noong nagdaang Cabinet meeting, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NTC na magpataw ng sanctions sa mga ISP bunsod ng hindi nahihintong paglaganap ng child pornography.

Kasunod ito ng ulat na tumaas ang child online sexual exploitation sa kasagsagan ng lockdown dahil sa pandemya ng COVID-19.

Ayon sa NTC, nitong nagdaang weekend, nagpalabas na ito ng Show Cause Orders (SCOs) sa mga provider ng internet service.

Dahil ito sa kabiguan ng mga ISP na magtalaga ng karampatang teknolohiya, program o software para maharang ang access o ma-filter ang mga website na nagtataglay ng child pornography materials.

Inatasan ang ISPs na magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila nararapat na matapawan ng administrative sanction dahil sa naturang paglabag.

Inatasan din ang mga ISP na dumalo sa itinakdang pagdinig ng NTC sa sa ikalawang lingo ng buwan ng Pebrero 2021.

Ayon sa datos ng NTC, mayroong mahigit 500 ISPs sa buong bansa sa ngayon.

Read more...