Mga komadrona, pharmacist at iba pang lisensyadong health professionals dapat tumulong sa Covid-19 vaccination program
By: Erwin Aguilon
- 4 years ago
Hinikayat ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ang Professional Regulation Commission at iba’t -ibang samahan ng health professions na makiisa sa Philippine Medical Association at Philippine Nurses Association para sa gagawing COVID-19 vaccination sa buong bansa.
Pabor si Herrera sa ideya ng Department of Health na isama ang mga lisensyadong komadrona o midwife at pharmacist sa mga propesyunal na magbibigay ng bakuna sa mga mamamayan.
Tinukoy nito na bilang primary health care professionals, kasama ang vaccination sa mga tungkulin ng midwives, pharmacists, at iba pang trained, certified, at lisensyado tulad nila.
Sabi ng kongresista, hindi exclusive role at competency na mga doktor at nurse lang ang maaaring gumawa ng pagbabakuna.
Sa katunayan, kasama anya ito sa mga kurikulum na inaprubahan ng CHED at TESDA at standards ng DOH at PRC boards para sa primary health care service professionals.
Dahil dito sabi ng lady solon, dapat ngayon pa lamang ay sanayin na ang mga ito na sumuri ng mga pasyente, magturok ng bakuna at magsagawa ng nararapat na protocols sakaling may adverse reactions para mabilis na makamit ng bansa ang herd immunity sa Covid-19.