Muli na namang tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergerie, sa labas ng National Capital Region nakakapagtala sila ng mataas na kaso.
Kabilang na anya rito ang Cebu City, Cordillera Administrative Region, Region 2 at iba pang lugar.
Sabi ni Vergerie, nagsasagawa na sila ng monitoring sa mga nabanggit na lugar.
Sa datos ng Department of Health Central Visayas, mula January 10 hanggang 16 ay 318 ang naitalang kaso sa lungsod.
Dahil dito, umakyat na sa 570 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng covid-19 sa Cebu City na mas mataas kumpara sa 87 hanggang noong kalagitnaan ng December 2020.
Sinabi pa ng opisyal na base sa kanilang ginagawang pag-aaral ay tumaas na ang kaso ng covid-19 kada araw sa bansa kumpara noong nakalipas na buwan ng Disyembre.
Iginiit nito na hindi naman talaga tataas ang kaso kung sumusunod sa ipinapairal na protocol ng pamahalaan ang publiko.
Kailangan din anyang ikonsidera ayon kay Vergerie na mayroong mga laboratory ang bigong makapag operate noong holiday season.