Sa pagbabalik ng sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco na tututok ang mga talakayan sa COVID-19 response at vaccine-related measures.
Ayon kay Velasco, mamadaliin ng Kamara ang pagpapatibay sa 34 na legislative priorities ngayong taon kasama na dito ang mga panukala para sa pagbibigay ng special power kay Pangulong Rodrigo Duterte upang suspendihin ang pagtataas ng contribution rates ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS) tuwing may national emergency.
Tinitiyak naman ni Majority Leader Martin Romualdez na magdo-double time ang mga kongresista para maaprubahan sa oras ang mga legislative agenda at mga economic reforms ng pamahalaan.
Kabilang sa mga panukala na target aprubahan agad ay ang pag-amyenda sa Republic Act (RA) 9160 o ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) of 2001 at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) na nakasalang ngayon sa bicameral conference committee.
Naniniwala ang liderato ng Kamara na mahalaga ang mga panukalang ito para sa economic recovery programs ngayong may COVID-19 pandemic.
Ilan naman sa mga panukala na nakatakdang aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang dagdag na benepisyo para sa mga Solo Parents, Magna Carta of Filipino Seafarers at pagpapalawig sa implementasyon ng Lifeline Rate.