Kontrata ng mga contact tracers ng pamahalaan dapat i-renew – Rep. Salceda
Kinalampag ni House Committee on Ways and Means at Albay Rep. Joey Salceda ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na i-renew ang kontrata ng mga contact tracers ng gobyerno.
Ayon kay Salceda, mahalagang maibalik ang mga contact tracers lalo pa’t nakapasok na sa bansa ang bago at mas infectious na strain ng COVID-19.
Sinabi pa ng kongresista na ang buwan ng Enero ay maituturing na pagkakataon para maiwasan ang pagkalat ng bagong wave ng COVID-19 infection kaya marapat lamang na maibalik agad sa serbisyo ang mga contact tracers upang matukoy at mapigil ang paglaganap ng sakit.
Iginiit ni Salceda, hindi na kakayanin ng ekonomiya ng bansa ang panibagong lockdown at hindi dapat malagay sa higit na panganib ang buhay ng mga health care workers lalo pa’t wala pa ang bakuna sa bansa.
Sakali namang may problema sa renewal ng serbisyo ng mga contact tracers tulad ng sweldo ay hinikayat ni Salceda na ipagbigay alam ito agad sa Kongreso para maaksyunan.
Noong December 31, 2020, napaso ang contract of service ng mga contact tracers na na-hire ng ahensya noong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.