Filipino abroad na nagpositibo sa COVID-19, nasa 13,540 na

May 42 na bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang January 15, nasa 13,540 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 84 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 3,988 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Nasa 32 naman ang bagong gumaling kung kaya 8,617 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Wala muling bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 935 pa rin ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,836 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 2,170 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 806 naman ang kaso sa Americas at 2,724 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...