Lalaking nagpositibo sa UK variant ng COVID-19, nagkaroon na ng pneumonia
Mayroong pneumonia ang isang lalaking 29-anyos na kauna-unahang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, pinuno ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, tinutugunan na nila ang pangangailangan ng nasabing pasyente.
Nasa Hope Facility na ang pasyente ng Quezon City government mula sa barangay quarantine facility.
Ang lahat aniya ng mga naging close contact nito, partikular ang mga taga-Barangay Health and Emergency Response Team ay naka-isolate na at isasailalim na rin sa swab test.
Hindi na rin aniya tumatanggap ng kailangang i-isolate sa Hope Facility ng lungsod kung saan naroon ang pasyente.
Naka-quarantine na rin aniya ang pamilya ang pasyente at inaalam na rin nila kung sino pa ang naging close contact nito.
Ang live-in partner naman nito na kasama sa biyahe sa UAE ay nasa Hope Facility na rin.
Sabi naman ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergerie, nagsasagawa na ng contact tracing sa mga nakasama ng pasyente sa eroplano.
Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga pasahero ng Emirates flight EK332 na dumating noong January 7 na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Samantala, sinabi ni Vergerie na lahat ng close contact ng pasyente kahit sa NAIA at iba pa na pinuntahan ng mga ito ay naka-isolate na at kinunan na ng mga specimen para masuri.
Nagtungo sa Dubai, UAE ang lalaking pasyente na real state agent kasama ang kanyang live-in partner noong December 27, 2020 at bumalik noong January 7 na walang sintomas ng COVID-19.
Pagkarating ay isinailalim ang mga ito sa swab test at nanatili sa isang hotel habang hinihintay ang resulta ng RT-PCR Test.
Kinabukasan, lumabas ang resulta ng swab test at nagpositibo ang lalaki habang negatibo naman ang kinakasama nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.