Amihan, Tail-end of Frontal System magpapaulan pa rin sa ilang bahagi ng bansa

Photo credit: DOST PAGASA website

Nakakaapekto pa rin ang dalawang weather system sa bansa, ayon sa PAGASA.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren na umiiral pa rin ang Northeast Monsoon o Amihan sa bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera.

Dahil dito, asahan pa rin ang maulap na papawirin na may kasamang mahihinang pag-ulan sa nabanggit na lugar.

Samantala, umiiral pa rin ang Tail-end of Frontal System sa Silangang bahagi ng Southern Luzon.

Ani Clauren, magdudulot ito ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Bicol region, MIMAROPA at Quezon.

Bunsod nito, pinayuhan ang mga residente sa nasabing mga lugar na maging maingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, may posibilidad aniyang makaranas ng isolated light rains.

Sa bahagi naman ng Visayas at Mindanao, sinabi nito na magiging maayos ang lagay ng panahon ngunit maaari pa ring makaranas ng mga panandaliang pag-ulan hanggang Huwebes ng gabi dulot ng localized thunderstorm.

Dagdag pa nito, walang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ngunit, ani Clauren, mayroong namataang cloud cluster sa labas ng bansa na posibleng maging LPA.

Sa ngayon, wala naman aniya itong direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.

Read more...