640,000 doses ng COVID-19 vaccine, mababakuhan ang 70 porsyento ng adult population ng Valenzuela
Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela para sa isasagawang pagbabakuna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, pumasok na sila sa tripartite agreement sa AstraZeneca kasama ang pamahalaang nasyunal upang makabili ng bakuna.
Kabuuang 640,000 doses aniya ang kanilang kukunin kung saan 320,000 na mga taga-Valenzuela ang matuturukan.
Ito aniya ay sapat para sa 70 percent na adult population ng lungsod.
Naglaan anya sila ng P150 milyon para ipambili ng bakuna.
Susundin aniya nila ang inilatag ng national government sa kung sino ang unang mga dapat mabakunahan.
Mayroon na aniya silang mga malalaking lugar kung saan isasagawa ang pagbabakuna upang marami kaagad ang mabigyan nito.
71 aniya ang bilang ng lugar na kanilang tinitingnan upang gamiting venue.
Magsasagawa aniya sila ng information campaign para maipaliwanag sa kanilang mga kababayan ang kahalagaan ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Kailangan aniyang maalis ang pangamba ng mga tao sa bakuna.
Nagre-recruit na rin aniya sila ng mga registered nurse para magbakuna.
Paliwanag nito, hindi kasi maaari na kung sinu-sino lamang ang mag-administer nito.
Inaayos na rin aniya nila ang kanilang portal kung saan maaring magpabakuna ang kanilang mga kababayan.
Gagamitin aniya nila ang ValTrace na nauna nang inilunsad ng pamahalaang lokal para sa contact tracing.
Sabi ni Gatchalian, kapag pinayagan ang mga alkalde at opisyal ng pamahalaan na magpabakuna ay gagawin niya ito.
Kapag nabakunahan aniya silang mga opisyal ay magkakaroon ng confidence ang mga tao para magpabakuna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.