SRPs ng DTI sa mga pagkain pantasya na lang! – Sen. Imee Marcos

Sa panaginip na lang maaring totoo ang suggested retail price (SRP) na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga produktong-pagkain.

Ito ang sinabi ni Sen. Imee Marcos dahil sa napakataas pa rin na presyo ng mga gulay at karne ng baboy.

Binanggit naman nito, ang mataas na presyo ay dahil sa African Swine Fever na patuloy na nakakaapekto sa mga babuyan sa Luzon at dahil sa pagyeyelo ng mga gulay sa Benguet bunga naman ng napakalamig na panahon.

Aniya lubos na naapektuhan ang masa dahil 60 porsiyento ng kanilang budget ay nakalaan sa pagkain.

“Gumagapang na naman pataas ang presyo ng mga bilihin sa lebel na hindi natin nakikita mula Marso 2019. Ang presyo ng pagkain ang pinakamatimbang sa inflation rate ng bansa na umabot na sa 3.5% noong Disyembre,” dagdag pa nito.

Kayat sinabi ng senadora, nararapat na buhusan ng suporta ang mga magsasaka at negosyante ng pagkain sa Visayas at Mindanao habang ginagawaan ng paraan ang kakapusan ng pagkain sa Luzon.

Sa nakalipas na Kapaskuhan sumirit hanggang P400 ang kada kilo ng karne ng baboy dahil sa isyu sa suplay at matinding pangangailangan.

 

 

Read more...