Brandy secret weapon sa debate ng isang pulitiko – Wacky Leaks ni Den Macaranas
May itinatagong sikreto ang isang kandidato sa national position para hindi siya kabahan sa gitna ng mga political debates.
Sa isang forum kung saan ay nakaharap niya ang mga katunggali sa pulitika, hindi nagpahuli ang ating bida sa pakikipagsabayan sa debate.
Hanggang sa asaran ay bumangka ng husto ang pulitikong laman ng ating kwento.
Hindi naman yun ang kanyang personalidad kaya marami ang nakapuna sa pagiging pilosopo at sarcastic ng kanyang mga pahayag.
Sinabi ng ating Cricket sa loob ng kanilang partido na may baong “Brandy” ang pulitiko.
Sa bawat break ay sumisimple ang nasabing kandidato para uminom ng alak.
Medya-medya lang naman ang tagay para hindi malasing si Mr. Politician.
Pinaghandaan niya ng husto ang nakalipas na debate dahil alam niyang kukuyugin siya ng mga kalaban sa eleksyon.
Pero bukod sa preparasyon ay kailangan din niya ng lakas ng loob kaya namam dumepende siya sa espiritu ng alam niyang dala.
Tila effective naman ang bagong tuklas na formula ni Mr. Politician para mas maging relax ang pakiramdam sa gitna ng mainit na balitaktakan.
Ibinulong din ng ating Cricket na nakuha ni Mr. Politician ang idea sa mga pelikula ni James Bond.
Kung si 007 ay may “shaken, not stirred” na catchphrase para sa kanyang Martini, ang ating bida naman ay “isang tagay pa Dong” ang kanyang laging litanya sa dakila niyang alalay na isang Waray.
Mahigpit din ang bilin ni Mr. Politician na walang dapat makakita sa kanilang alak na dala at lalong walang dapat makaalam na siya’y “kargado” sa oras ng mga pagtatalo sa entablado.
Ang pulitikong umiinom ng Brandy habang nakikipag-debate ay si Mr. M….as in Mamang Senglot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.