Bangladeshi ambassador, masaya sa pagkakasauli ng $4.3-M
Positibo ang ambassador ng Bangladesh sa nangyayaring pag-usad sa isyu ng ninakaw na $81 million mula sa kanila na ipinasok dito sa Pilipinas at ini-launder sa mga casino.
Ibinalik na kasi ng big time junket operator na si Kim Wong ang $4.3 million na bahagi ng $81 million na sentro ngayon ng imbestigasyon sa Senado.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang perang ito.
Ayon kay Bangladeshi Ambassador to the Philippines John Gomes, masaya sila sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para mabawi pa ang mga natitirang pera na maari pang maibalik sa Bangladesh.
“We are quite happy with the Senate, the way they have been able to get the portion of the money,” ani Gomes.
Bagaman nakuha na nila ang bahaging ito ng peran nawala sa kanilang bangko, ipagpapatuloy pa rin nila ani Gomes, ang paghahanap sa iba pang pera at ang pag-bawi dito.
Una nang sinabi ni Wong na mayroon pa siyang ibabalik na P450 million o katumbas ng halos $10 million, at inaasahan na rin ni Gomes ang pagbabalik nito sa kanila.
Mayroon din aniyang darating na mga opisyal mula sa Bangladesh na makikipag-ugnayan sa AMLC para mapag-usapan kung paano ililipat sa kanilang pangangalaga ang pera.
Kabilang sa mga nabanggit na opisyal na tutungo dito sa bansa ay mula sa kanilang Criminal Investigation Department, upang makipag-ugnayan naman sa BSP at nang makapag-sagawa rin sila ng kanilang sariling imbestigasyon kaugnay sa money laundering scheme.
Inaasahang sa Linggo darating ang mga nasabing opisyal, o bago ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Martes, April 5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.