Mayroong posibilidad na magkasundo ang Kamara at Senado sa usapin ng Charter change.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, binasa ng Chairman ng komite na si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. ang text message ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III patungkol sa opinyon nito na mapagtibay ang Cha-cha sa Kongreso.
Nakasaad sa text ni Sotto kay Garbin na posible ang ‘one-liner amendment’ sa Charter sa pamamagitan ng isang joint resolution.
Magkaiba ang resolusyon na nakahain sa Kamara at Senado kaugnay sa Cha-cha.
Sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2 ng Mababang Kapulungan ay limitado lamang sa pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng Konstitusyon habang ang RBH 2 ng Senado ay para naman sa amendments ng economic provisions at democratic representations.
Sa ilalim ng amyenda sa democratic representations ay patungkol naman ito sa sakop ng kapangyarihan at term limits ng elected officials.
Sakali mang mapagtibay ng Kongreso ang kapirasong amyenda sa isang linya ng Saligang Batas ay saka naman ito pagdedeisyunan ng taumbayan sa pamamagitan ng plebesito na isasabay sa 2022 elections.