House Committee on Constitutional Amendments isa ng Constituent Assembly – Rep. Garbin
Umuupo na ang House Committee on Constitutional Amendments bilang Constituent Assembly.
Iginiit ito ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., chairman ng komite sa pagtatanong ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate kung sa anong function sila kumikilos sa kasalukuyan sa pagtalakay sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Garbin, salig sa probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Kongreso ay magsisimulang umupo bilang Constituent Assembly sa oras na simulang talakayin ang mga proposed amendments sa Saligang Batas.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Zarate na magkaiba ang rules na sinusunod ng Kamara at Senado sa pagtalakay sa mga panukalang amiyenda sa Saligang Batas.
Pero ayon kay Vice Chairman Lorenz Defensor, tahimik ang Saligang Batas sa kung paano dapat kumilos ang Senado at Kamara sa pagtalakay nang mga amiyenda sa Charter.
Sinabi ni Defensor na mayroong existing rules ang Kamara para rito, na kaparehas lamang aniya ng sa pagtalakay sa iba pang panukalang batas.
Gaya ng Kamara, binibigyan laya din aniya ng Saligang Batas ang Senado sa kung paano nito dapat isagawa ang paghimay sa mga proposed amendments.
Sa oras na mayroon naman aniyang pagkakaiba sa bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, sinabi ni Defensor na maaring idaan ito sa bicameral conference committee.
Sa isang panayam sinabi naman ng dating chairman ng komite na si Deputy Speaker Rufus Rodriguez na hindi siya sumasang-ayon sa posisyon ni Garbin.
Ang Constituent Assembly anya ay maari lamang gawin sa plenaryo ng Kongreso.
“The Constituent Assembly can only be constituted by the plenary of the entire Congress, by the House,” saad ni Rodriguez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.