Nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang political groups at iba pang grupo sa Kamara kaugnay sa resolusyon ni Speaker Lord Allan Velasco na layong amyendahan ang “restrictive” na economic provisions sa 1987 Constitution.
Ayon kay Deputy Speaker at Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera, mayroong “strong and united consensus” sa pagitan ng political leaders sa Kamara para suportahan ang mithiin ni Velasco na maluwagan ang economic provisions ng Saligang Batas.
Ginawa ni Herrera ang naturang pahayag kasunod ng hybrid meeting na ipinatawag ni Velasco hinggil sa proposed amendments sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga physically present sa pulong ay sina Deputy Speakers Mike Romero, Kristine Singson Meehan at Wes Gatchalian at Representatives Mark Enverga, Kit Belmonte, Francisco Benitez, at Alfredo Garbin.
May ilan namang dumalo sa pulong sa pamamagitan ng video teleconference tulad nina Deputy Speakers Doy Leachon, Robert Puno, Munir Arbison at Eric Martinez.
Nasa video teleconference rin sina Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano, Representatives Mikey Arroyo, Isidro Ungab, Robert Ace Barbers, Michael John Duavit, Joet Garcia, Rommel Angara, Franz Alvarez, Eileen Ermita-Buhain, Sharon Garin at Stella Quimbo.
Kinakatawan ng mga nasabing kongresista ang major political parties at blocs sa Kamara kabilang PDP-Laban, Nacionalist People’s Coalition, Nacionalista Party, National Unity Party, Lakas-NUCD, Hugpong ng Pagbabago, Liberal Party, at Party-list Coalition Foundation Inc.
Ginanap ang pulong na ito isang araw bago ang pagsisimula ng pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendement sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Velasco sa pagbubukas ng 18th Congress noong Hulyo 2019.
Layon ng resolusyon na ito na amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas, partikular na ang Articles XII (National Patrimony and Economy), XIV (Education, Science, Technology, Arts, Culture and Sports) at XVI (General Provisions).
Ilalagay ang mga katagang
“unless otherwise provided by law” sa ilang sections ng Saligang Batas, na humaharang sa pagmamay-ari ng mga banyaga ng lupain, natural resources, public utilities, educational institutions, media at advertising sa Pilipinas.