Kasunod ito ng pahayag ng Meralco na sinimulan na nila ang pagpapadala ng notices of disconnection sa mga konsyumer na nakakakonsumo ng 201 kilowatt-hours na sablay na sa pagbabayad.
Ayon kay Hontiveros, dagdag pahirap pa sa mga mahihirap na pamilyang Filipino ang maputulan ng kuryente sa kanilang bahay.
“Hindi maganda na ngayong 2021, maliban sa COVID-19 ay magkaroon din ng epidemiya ng tanggalan ng kuryente sa ating bansa. Mas mahihirapan umahon ang bansa mula sa pandemya at sa bagsak na ekonomiya kung mas maraming Pilipino ang mapuputulan ng kuryente sa kanilang mga kabahayan dahil sa mga polisiya ng Meralco,” aniya.
Binanggit din nito ang anunsyo ng power distributor na magtataas sila ng singil na aabot sa P8.74 sa taong 2021 at mangangahulugan ito na ang nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan ay magbabayad ng karagdagang P55.
“Itong anunsyo ng MERALCO ay mistulang one-two-three punch sa ating mga kawawang consumer, na marami ngayon ay knock-out na sa mga utang, mahal na bilihin at kakulangan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Mas malaki na ang singil ng kuryente, andiyan pa ang panganib na matanggalan ng kuryente kapag hindi nakabayad ng buo. Baka maulit o mas malala ito sa “bill shock” last year na inalmahan ng ating mga kababayan noong 2020,” sabi pa ni Hontiveros.
Nanawagan ito sa Meralco na makipag-ugnayan sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa posibleng paraan na mapalawig pa ang pagbabayad sa utang ng maraming konsyumer sa konsumo nila sa kuryente.