Base sa 17-pahinang resolusyon na inilabas ng DENR – Enviromental Management Bureau, malinaw ang paglabag ng Econest Waste Management Corp. nang magtapon ito ng hazardous waste sa Mambog Creek, na ang tubig ay dumadaloy sa Manila Bay.
Magugunita na Pebrero noong nakaraang taon nang magpalabas si Hermosa Mayor Jopet Inton ng temporary closure order laban sa Econest.
Nabahala ang alkalde dahil sa patong-patong nang paglabag sa mga batas-pangkalikasan ng nabanggit na pasilidad.
Lumabas sa ikinasang imbestigasyon ng EMB na walang valid discharge permit at hazardous waste generator registration certificate ang Econest.
Bukod sa multa, inatasan din ng EMB ang Econest na magsagawa ng malawakang rehabilitasyon sa napinsalang kapaligiran para maibalik ito sa dating kondisyon.