Sa gitna ng mga batikos na natatanggap ng pamahalaan matapos sabihin na ang China vaccine na Sinovac ang unang bakuna na darating sa bansa, sinabi ng Department of Health (DOH) na ligtas ang mga ito.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergerie na lahat ng bakuna laban sa COVID-19 na papasok sa Pilipinas ay titiyaking ligtas.
Bukod sa ligtas, titiyakin din aniya ng Food and Drugs Administration na epektibo ang mga ito.
Ito aniya ang dahilan, sabi ng opisyal, kaya hindi kailangang mamili kung ano ang bakuna na ituturok.
Giit nito, kung ano ang mauunang bakuna ay dapat tanggapin dahil ang layunin naman ng pamahalaan ay maibsan na ang nararanasang pahirap dulot ng COVID-19 pandemic.
Ipinaliwang naman ng health official ang dahilan ng pagtaas na muli ng bilang ng nagpopositibo sa COVID-19.
Aniya, noong holiday period ay bumaba ng 30 porsyento ang laboratory output na nagsusuri ng specimen at ngayon pa lamang bumabalik sa normal.
Kaugnay naman sa pagdagsa ng mga tao sa Quiapo, Maynila noong Sabado para sa Pista ng Nazareno, sinabi ni Vergerie na malalaman sa susunod na dalawa o tatlong linggo kung makadaragdag ito sa bilang ng positibo sa COVID-19.
Nauna nang sinabi ng mga health expert na maaring maging super spreader event ang nangyari sa Quaipo, Maynila.
Narito ang buong ulat ni Erwin Aguilon: