Mga motorsiklo at ilan pang sasakyan inararo ng dumped truck; isa patay, anim sugatan

 

Patay ang isang  motorcycle rider habang anim na iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng isang dumped truck ang ilang motorsiklo at mga sasakyan sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ni Police Major Maria Luisa Calubaquib, Bicol police spokesperson ang nasawi na si Bebot Namalangkay na residente ng Barangay 649, Port Area, Manila na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nasugatan naman sa insidente sina Jeron Osario, 47, Cristina Pumparada, 41, Roy Merciano, 37, Ace Dave Merciano, Jesthony Tayoto, 31 at Rosemarie Tayoto na kaagad isinugod sa ospital para mabigyan ng lunas.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na binabagtas ng isang Isuzu Truck ang kahabaan ng Barangay Tambo at pagdating sa junction  ay binangga ang ilang motorsiklo, dalawang cargo truck, isang Toyota Vios at isang Hilux.

Sabi ng driver ng truck na si Reynaldo Gaza, 44 anyos, nawalan siya ng kontrol sa manibela  dahil sa hindi pagkagat ng preno nito.

Nasa kostudiya na ngayon ng Pamplona Police ang driver ng truck at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

 

 

Read more...