May namataang low pressure area (LPA) ang PAGASA sa loob ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, huling namataan ang LPA sa layong 265 kilometers East Southeast ng Davao City dakong 3:00 ng hapon.
Maliit aniya ang tsansa na maging bagyo ang LPA.
Ngunit, maaari pa rin itong magdulot ng pag-ulan sa Mindanao lalo na sa Southern Mindanao.
Maliban sa LPA, umiiral pa rin ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bahagi ng naturang rehiyon.
Dahil dito, nagbabala ang weather bureau na maging alerto sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.
Northeast Monsoon o Amihan naman ang nakakaapekto sa Luzon, kasama na ang Metro Manila.
Bunsod nito, asahan pa rin ang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera.