Iginiit ng grupo na patuloy na nagdurusa ang mga Pilipinong manggagawa dahil sa krisis sa ekonomiya na pinalala ng COVID-19 pandemic.
Hindi patas at hindi rin makatao anila na itinutulak ng PhilHealth ang implementasyon ng premium hike sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) Law lalo pa at balot pa rin ng korapsyon ang ahensya.
Bagama’t ipinag-utos na anila ni Pangulong Duterte ang postponement ng pagtaas sa contribution ng PhilHealth members, hanggang sa ngayon ay wala pa ring formal executive issuances para rito.
Hinamon din ng Makabayan bloc ang pamunuan ng SSS na ibigay na ang second tranche ng pension hike na P1,000 sa halip na dagdagan pa ang pasanin ng mga manggagawa na apekado ng recession at pandemya.
Nauna rito, sinabi ni House Committee on Health vice chairman at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na aabot sa 30 kongresista mula sa iba’t ibang partido ang nagsama-sama sa paghahain ng resolusyon na nagpapatawag sa deferment ng pagtaas sa premium ng PhilHealth members hanggang 2022.
Sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law, tataas ang premium contributions sa PhilHealth ng 0.5 percent kada taon, simula 2021 hanggang sa umabot ito sa limang porsyentong limit pagsapit ng 2025.
Para sa taong 2021, mula sa kasalukuyang tatlong porsyento ng monthly basic salary ng mga miyembro ay tataas ito ng 3.5 percent.