Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, huling namataan ang LPA sa layong 165 kilometers Silangan ng Guiuan, Eastern Samar dakong 3:00 ng hapon.
Magdudulot ng LPA ng katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Eastern Visayas at Caraga sa Sabado ng gabi, January 2.
Maaari aniyang magdulot ang pag-ulan ng pagbaha o pagguho ng lupa.
Asahan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa natitirang bahagi ng Visayas.
Ani Perez, mababa ang tsansa na maging bagyo ang LPA.
Gayunman, patuloy itong kikilos papalapit sa Visayas at maaaring makaapekto sa Visayas hanggang sa araw ng Linggo, January 3.
Samantala, umiiral naman ang Amihan sa maraming lugar sa Luzon.
Posibleng makaapekto ang Amihan sa CAR, Cagayan Valley at Aurora.
Sinabi pa ni Perez na Tail-end of Frontal System naman ang nakatutok sa Bicol region.
Dahil dito, iiral ang kalat-kalat na pag-ulan sa Bicol at maging sa Northern Mindanao, Quezon, Marinduque, Romblon, Mindoro provinces at Kalayaan Island.
Sa natitirang bahagi naman ng bansa kabilang ang Metro Manila, magiging maaliwalas pa rin ang panahon.