Marine Personnel, iniimbestigahan sa pagtawag na ‘pokpok’ sa mga Zamboangeña

Nelson Dela Noche FB 3Kasalukuyan nang iniimbistigahan ng pamunuan ng Philippine Marine Corps ang sumbong ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco tungkol sa diumano’y malisyosong Facebook posts ni Marine personnel Staff Sergeant Nelson V. dela Noche na nakasisira sa imahe nilang mga Zamboangeña.

Ayon sa Facebook post ng isang “Nelson dela Noche” noong Martes, Marso 29: “Endorse nyo ako. Kung matapang kayo, i-tag nyo ako. Salamat pinasikat nyo ako. Hindi ko babawiin ang sinabi ko tungkol sa taga ZAMBOANGA. Mga social climber, malandi at pokpok….”

Sa kanyang liham kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Hernando DCA Iriberri, sinabi ni Climaco na bilang pangunahing may-akda ng Magna Carta of Women sa kongreso, layunin ng batas na iangat ang kundisyon ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon sa kanila laban sa verbal, physical, emotional at iba pang uri ng pang-aabuso.

Dagdag pa ni Climaco na nararapat lamang na may hinahon ang bawat isa sa paggamit ng social networking sites lalo na kung bahagi sila ng isang organisasyon na nagbibigay kahalagahan sa integridad at karangalan.

Sa panayam sa telepono kay Climaco, sinabi nito na maganda raw ang samahan ng Zamboanga City local government at constituents sa Philippine Marines at lubos daw silang nagpapasalamat sa ‘di matatawarang tulong at magandang gawain nito sa lungsod.

Dasal pa niya na sana ay lumabas sa imbestigasyon na hindi nanggaling ang paninira sa isang miyembro ng Philippine Marine Corps na kanyang pinagpipitagan.

Subalit kung sakali raw na totoo na si dela Noche ang sumulat ng mapanirang Facebook posts, kinakailangan na rin daw tingnan ang aspeto ng Post Traumatic Stress Disorder (PTSD) na nararanasan ng maraming sundalo ngayon.

Sa panayam naman kay Brigadier General Jose Johriel Cenabre, Deputy Commandant ng Philippine Marine Corps, tiniyak nitong iimbistigahan si dela Noche sa reklamo laban sa kanya.

Aniya, mahirap ding mag “jump on the gun” o magbigay ng konklusyon na si dela Noche nga ang nagmamay-ari ng Facebook account lalo na’t kasalukuyang nasa labas ito ng bansa para sa isang sports competition.

Si dela Noche, may asawa, at tiga Sampinit, Bago City, Negros Occidental, ay kasalukuyang nasa Adeilaide, Australia kasama ang mga dragon boat rowers ng Pilipinas upang makilahok sa Australian Dragon Boat Championships at 10th International Dragon Boat Festival mula Marso 28 hanggang Abril 7, 2016.

Ayon kay Cenabre, agad na ipapa-recall si dela Noche sa headquarters, Philippine Marine Corps oras na bumalik ito sa bansa upang mabigyan siya ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig.

 

Read more...