P4.5T 2021 budget pagtitiyak sa COVID-19 response ng gobyerno, ayon kay Sen. Sonny Angara
Sa unang araw ng paparating na bagong taon ay magagamit na ng gobyerno ang P4.5 trillion national budget.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, hindi katulad sa nakalipas na dalawang taon kung kailan ay re-enacted budget ang gumana dahil hindi agad naaprubahan ang pambansang pondo.
Sinabi ng namumuno sa Finance Committee ng Senado, unang araw pa lang ng 2021 ay may magagamit ng pondo para sa patuloy na pagtugon ng gobyerno sa mga epekto ng pandemya.
Kabilang na aniya ang pagbili ng milyong-milyong bakuna kontra COVID 19, pagsuporta sa blended learning system, pagpapalakas ng healthcare system, pagtulong sa mga nawalan ng trabaho hanggang sa pagbangon ng mga nasalantang pamayanan dahil sa mga nagdaang kalamidad.
Tiwala si Angara na kasabay nang pagpapalawig ng paggamit ng pondong nailaan sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, makakatiyak ang sambayanan na may kaagapay sila sa pangangalaga sa kanilang kalusugan at kabuhayan.
Kumpiyansa rin ang senador na sa tamang paggamit ng 2021 national budget ay sisigla ang ekonomiya ng bansa.
Samantala, naniniwala naman si Sen. Christopher Go na sa tamang paggamit ng pondo ay malalapagpasan ng bansa ang kasalukuyang krisis pang-kalusugan.
Panawagan lang ng Go sa mga ahensya ng gobyerno ay huwag sayangin ang bawat sentimo ng pambansang pondo at dapat aniya ang paggamit nito ay talagang mararamdaman ng bawat mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.