Isabela 4th District Rep. Alyssa Sheena Tan itinangging nagmamay-ari siya ng construction companies
Mariing itinanggi ni Isabela 4th District Rep. Alyssa Sheena Tan ang mga akusasyon ng korapsyon laban sa kaniya.
Isa si Tan sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte kagabi na mga mambabatas na sangkot umano sa korapsyon batay sa listahang ibinigay ng Presidential Anti Corruption Commission o PACC.
Sa pahayag sa kaniyang Facebook account sinabi ni Tan na hindi totoong nagmamay-ari siya ng mga construction company at doon naia-award ang mga proyekto sa kaniyang distrito.
“There is absolutely no truth in the allegation by the PACC that I own construction companies that have been awarded with projects in my district,” ayon kay Tan.
Wala umano siyang pag-aaring construction company at walang shares sa anumang construction company.
Madali aniyang mabeberipika ito ng PACC kung iva-validate lamang ang mga datos sa mga ahensya ng gobyerno.
“Simula po nang ako ay pinagkatiwalaan nyo sa posisyong ito, ang bawat araw ng aking panunungkulan ay itinuturing ko pong pribilehyo mula sa inyo. At kung gaano ko po pinaghirapan ang tiwala ninyo ay ganoon ko rin pong kasigasig na pag-iingatan ito,” dagdag ni Tan.
Tiniyak din ni Tan na handa siyang makipagtulungan sa PACC at magbigay ng mga impormasyon kung magsasagawa ito ng imbestigasyon para lumitaw ang katotohanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.