Nadagdagan pa ang bilang ng coronavirus disease o COVID-19 active cases sa lungsod ng Mandaluyong.
Sa datos ng Mandaluyong City Health Department (Lunes, December 28, 5:30 PM), 118 ang bilang ng active cases sa lungsod kung saan 20 ang nadagdag.
Ang bilang naman ng mga gumaling na o naka-recover na ay nasa 5,601 kung saan 36 ang bagong napaulat.
Ang bilang naman ng nasawi sa virus ay nadagdagan ng isa kaya umabot na ito sa 175.
Umabot naman na sa 5,894 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa lungsod.
Ang bilang ng suspected cases ay 78 at walang naitalang probable.
Ayon sa Mandaluyong City Health Department ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng tinamaan ng virus at suspected cases ay resulta ng mas pinaigting na mass testing at contact tracing sa lungsod. Ang hakbang ay ginawa upang matukoy at agarang mabigyan ng karampatang lunas ang mga nagpositibo.