55 barangay sa Cebu City, COVID-19 free na

Limampu’t limang mga barangay sa Cebu City ang wala nang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Cebu City Mayor Edgar Labella, tuloy ang pangako ng City Government na pagkalooban ng P100,000 na cash incentive ang mga barangay na magiging COVID-19 free mula Nov. 1 hanggang sa pagtatapos ng taon.

Sa datos ng Emergency Operations Center (EOC) ng Cebu City, hanggang kahapon Dec. 27 ay COVID-19 free na ang 55 sa 80 mga barangay sa lungsod sa nakalipas na 14 na araw.

Kasama dito ang mga bulubunduking barangay na Sudlon I, Buot-Taop, Paril, at Taptap na simula nang magkaroon ng pandemya noong Marso ay hindi pa nakapagtatala ng kaso ng sakit.

Ang alok na insentibo ay layong himukin ang mga opisyal ng barangay na mag-doble kayod para malabanan ang paglaganap ng sakit.

Sa huling datos ng Department of Health- Central Visayas (DOH-7), 81 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

 

 

 

Read more...