Pamahalaan titiyaking ligtas at epektibo ang bakunang bibilhin laban COVID-19 ayon kay Sen. Bong Go

By Dona Dominguez-Cargullo December 26, 2020 - 08:32 PM

Ginagawa ng gobyerno ang lahat upang matiyak ang pagkakaroon ng ligtas at epektibong bakuna sa bansa laban sa COVID-19.

Pahayag ito ni Senator Bong Go kasabay ng pagtitiyak na prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mahihirap at vulnerable sectors

Sa isang panayam, sinabi ng senador na inaaral ng gobyerno ang lahat ng possible sources ng bakuna laban sa sakit.

Inatasan aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez, Jr. para pangunahan ang pagbili ng bakuna.

“As of now, marami na pong ine-explore ang ating gobyerno. Si Sec. Galvez po ang inatasan ng Pangulo to check everything sa vaccine na bibilhin,” ayon sa senador.

Sinabi ni Go na marami na ring grupo at pribadong sektor ang nagpahayag ng kahandaan na tumulong sa gobyerno sa pagbili ng mga bakuna.

“Marami namang private sectors ang willing tumulong. Ang iba ay nagpirmahan na, tripartite agreement. Alam ko po marami na rin gustong tumulong para sa empleyado nila,” dagdag ng senador.

Sinabi pa ni Go na siya ring chairman ng Senate Committee on Health, nais matiyak ng gobyerno na ang bakunang mabibili ng bansa ay ligtas at epektibo at mapoprotektahan ang mamamayan laban sa sakit.

“Once available na ang vaccine, hindi po basta basta magpapaturok ang mga Pilipino. Ipakita natin na dapat pagkatiwalaan po ang vaccine na bibilhin po,” ayon sa senador.

Aniya, prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga frontliners, senior citizens at mahihirap.

“Kami po sa gobyerno, uunahin namin ni Pangulong Duterte ang mga frontliners, at mahihirap, ‘yung mga isang kahig, isang tuka, sa mga pinakasulok ng Pilipinas, ‘yun ang uunahin natin. Kasama ang mga nasa vulnerable sector, mga senior citizens, indigent Filipinos,” pailwanag ni Go.

Hindi aniya kasama sa prayoridad ang mga pulitiko.

Aniya, ang kaniyang naunang hamon kina Health Secretary Duque at Secretary Galvez na maunang magpaturok ng bakuna ay layong mahikayat ang publiko sa pagiging epektibo nito.

“Hindi po sila (pulitiko) ang uunahin. Ang punto dito, dapat ipakita nila na may kumpiyansa. Kailangan nating ipakita na mapagkakatiwalaan ang vaccine. Para sa mahihirap, dapat safe at effective na vaccine, at libre po ito dapat sa mahihirap,” ani Go.

Una nang sinabi ng pamahalaan na sa unang quarter ng taong 2021 ay darating sa bansa ang nasa 15 hanggang 29 million doses ng Gamaleya vaccine.

Ang AstraZeneca ay nag-commit din ng 2.6 million doses habang patuloy pa ang pag-uusap para sa panibagong 20 million doses.

Nasa proseso na din ng pag-uusap para sa pagbili ng iba pang bakuna mula sa Pfizer, Sinovac at Moderna.

“’Wag po kayong mag-alala, ginagawa po namin sa abot ng aming makakaya at pinaghahandaan po ito. Pinag-aaralang mabuti. One step at a time kasi bago po ito, lahat po sa buong mundo pinag-aaralan po ito,” ayon pa kay Go.

Paalala ni Go sa publiko patuloy na sundin ang health protocols na ipinatutupad.

 

 

 

 

 

 

TAGS: covid 19 vaccine, Health, pandemic, senator bong go, covid 19 vaccine, Health, pandemic, senator bong go

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.