Christmas break ni Pangulong Duterte maagang tinapos; nagpatawag ng pulong kaugnay sa bagong strain ng COVID-19

Kinumpirma ni Senator Christopher “Bong” Go na tinapos ng maaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang Christmas break sa Davao City para pulungin ang ilang miyembro ng IATF hinggil sa bagong strain ng COVID-19.

Sinabi ni Go, na araw ng Sabado, Dec. 26 ay lilipad pabalik ng Metro Manila ang pangulo para sa pulong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

“Biglaan ang patawag ng meeting with IATF and infectious disease experts tomorrow si PRRD to discuss [the] new strain. Very much concerned kami ni Pangulo,” ayon kay Go.

Sa panayam kinumpirma naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tatalakayin din sa pulong ang ipinatupad na travel restrictions sa United Kingdom na tatagal lamang hanggang December 31.

Aalamin aniya kung kailangang magpatupad ng bagong travel ban pagpasok ng Bagong Taon.

“[Pag-uusapan] kung ano mangyayari sa travel ban na na-impose na sa mga galing ng Inglatera, kung kinakailangan ba ng travel ban kung saan nakapasok na ang bagong strain ng COVID-19,” ayon kay Roque.

Magugunitang naatuklasan ang bagong strain ng COVID-19 sa United Kingdom dahilan para maraming bansa na ang magsara ng kanilang borders sa UK.

Samantala, hinimok ni Go ang publiko na patuloy na istriktong sundin ang health protocols sa nalalabing panahon ng pagdiriwang ng holiday season.

“Kasama natin ang ating pamilya, pero wala munang parties dahil delikado pa po habang wala pa pong vaccine, no time to celebrate, ‘wag muna tayong mag-celebrate, ang importante kasama natin ang pamilya sa isang bahay,” paalala ng senador.

Iginiit ni Go na sa sandaling maging available na ang bakuna, prayoridad ng gobyerno ang mahihirap at vulnerable sectors, gayundin ang frontliners.

“Kami ni Pangulong Duterte, uunahin namin ang lahat ng mahihirap, uunahin namin ang lahat ng frontliners at vulnerable para makabalik sila sa kanilang normal na pamumuhay,” ayon kay Go.

Sinabi rin ni Go na sa December 28 ay nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang General Appropriations Act of 2021.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...