Kim Wong umamin na nasa kanya ang $4.6 Million na bahagi ng laundered money

By Den Macaranas March 29, 2016 - 04:18 PM

Kim-Wong-2-620x401
Inquirer file photo

Sa pagsisimula pa lamang ng kanyang testimonya ay idiniin na ng negosyanteng si Kim Wong si dating Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Jupiter branch manager Maia Santos-Deguito sa $81 Million money laundering scam.

Sinabi ni Deguito na si Deguito ang nagbukas ng limang pekeng dollar accounts sa ilalim ng mga pangalan nina Michael F. Cruz, Alfred S. Vergara, Jessie C. Lagrosas, and Enrico T. Vasquez.

Sa kanyang testimonya, ipinaliwanag ni Wong na nilapitan siya ni Deguito para mabukas ng account sa kanilang bangko.

Pero imbes na magbukas ng bank account sa RCBC Jupiter branch ay  inirekomenda niya ang ilang mga casino junket operators.

Tulad ng kanyang ipinangako na ilalantad na mga detalye sa Senado, sinabi ni Wong na dalawang junket operators ang nagpasok sa bansa ng bahagi ng nawawalang pera mula sa Bangladesh Central Bank.

Makaraan siyang pilitin ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Wong ang mga pangalan nina Sua Hua Gao at isang nagngangalang Mr. Ding na umano’y nasa likod ng $81 Million money laundering scam.

Ipinaliwanag din ni Wong na $63 Million dito ang nananatili pa rin sa Midas Casino at Solaire Resort and Casino.

Binanggit din sa pagdinig ng naturang negosyante na meron pang natitirang $17 Million sa Philrem na siyang tagapalit ng pera mula sa dolyar patungo sa piso.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ay naidetalye rin ang naging partisipasyon ng mga Casino para maging malinis ang nasabing laundered money.

Nanatili namang mailap ang RCBC sa pagbibigay ng ilang mga detalye dahil mailalagay daw sa alanganing sitwasyon ang seguridad ng mga deposito sa kanilang bangko.

Sa pagdinig ng Senado inamin ni Wong na mayroon pang natitirang $4.6 Million sa kanyang pangangalaga na umano’y bahagi ng perang hawak ng mga pinangalan niyang junket operators.

Nakahanda umano siyang iturn-over sa pamahalaan ang nasabing salapi.

TAGS: Bangladesh, Kim Wong, Midas, RCBC, Solaire, Bangladesh, Kim Wong, Midas, RCBC, Solaire

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.