Psychological test sa paghawak ng baril, pinare-review ni Cong. Cayetano
Inirekomenda ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga otoridad na repasuhin ang psychological test para sa pag-iingat ng baril.
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril at pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sinabi ng kongresista na maraming insidente ng pamamaril ang bunsod ng init ng ulo kaya dapat talagang nae-evaluate ang mga pinapayagang magbitbit ng baril unipormado man o hindi.
Hindi anya simpleng bagay ang init ng ulo lalo na kapag merong baril.
Sa kasalukuyan, ang neuro-psychiatric clearance mula sa PNP Health Service o mula sa anumang DOH-accredited hospital ay isa sa mga requirements sa pag-aapply ng lisensya para makapagmay-ari ng baril.
Kumpiyansa naman si Cayetano na gagawa ng nararapat na aksyon si PNP chief Gen. Debold Sinas kaugnay ng insidenteng ito para hindi mawala ang tiwala ng publiko sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.