Mga opisyal ng anti-illegal drugs ng Caloocan police, nilipat ng pwesto

high-grade-shabuTinanggal sa kani-kanilang mga pwesto ang mga opisyal ng anti-narcotics unit ng Caloocan City police dahil sa kabiguan nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos.

Iniutos ng hepe ng Caloocan police na si Senior Supt. Bartolome Bustamante ang revamp sa Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force matapos niyang mabatid na mas marami pang ginagawang raids at naaaresto ang ibang grupo ng mga pulis na nasa precinct level.

Lahat ng 13 na kasapi sa nasabing task force, kasama ang kanilang pinuno na si Senior Insp. Amor Cerillo ay pinalitan at tanging mga “encoders” na lamang ang natira.

Ayon kay Bustamante, hindi nasusunod ng grupo ang kanilang mga targets at mas marami pang nagagawa ang ibang grupo kaysa sa kanila.

Minsan pa nga aniya, wala silang kahit anong nagawa sa isang linggo.

Pinalitan ng dating deputy chief ng North Extension Office na si Chief Insp. Ricardo Cristobal si Cerillo, na ngayon ay inilipat na bilang hepe ng Police Community Precinct 5 sa Camarin.

Sinisi naman ni Cerillo ang kakulangan aniya ng tao, at pati na rin ang pagiging pamilyar na masyado ng kaniyang mga tauhan sa kanilang mga nakakaharap.

Aminado naman siya na hindi niya nakuha ang loyalty ng mga tauhan niya at hindi rin sumusunod sa kaniya ang mga ito sa pagsasagawa ng mga malakihang kampanya laban sa iligal na droga.

Read more...