Chief of Police ng Bato, Catanduanes pinasisibak sa pwesto matapos mag-viral ang komento sa pagpatay sa mag-ina sa Tarlac
Hiniling ni Bato, Catanduanes Mayor Juan Rodulfo na maalis bilang chief of police sa naturang bayan si Police Captain Ariel Buraga.
Ito ay makaraang mag-viral ang komento ni Buraga hinggil sa pagpaslang ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Lumiham si Rodulfo kay Philippine National Police (PNP) provincial director Police Colonel Brian Castillo at sinabing dapat naging maingat si Buraga sa pagkokomento sa isyu at pagpopost sa social media.
Sa post ni Buraga, sinabi nitong dapat magsilbing aral na kahit may edad na ay dapat matutong rumespeto sa kapulisan dahil mahirap kalaban ang pagtitimpi at pagpapasensya.
Ang nasabing post ni Buraga ay agad din nitong binura matapos umani ng batikos.
Ayon sa alkalde, mas mainam na magtalaga ng bagong chief of police sa munisipalidad ng Bato.
Sa kaniyang paliwanag sinabi ni Buraga na hindi naman niya sinisisi ang mag-inang Gregorio sa kaniyang post.
Katunayan, kinokondena umano niya ang ginawa ng suspek na si Jonel Nuezca.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.