Duterte sa pamamaril ng pulis sa mag-ina sa Tarlac: Pati ako napanganga
“Masyadong brutal.”
Ganito inilarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sa kaniyang lingguhang mensahe sa publiko, sinabi ng pangulo na nagulat siya nang mapanood niya ang video ng pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Anthony Gregorio.
Inilarawan ng pangulo si Nuezca na mayroong sakit sa utak para magawa ang ganoong ka-brutal na krimen.
Kasabay nito pinaalalahanan ng pangulo ang mga pulis na kumilos ng naayon sa batas.
“You do not follow the law, mag-salvage ka, mag-patay ka, then I’m sorry. That is not part of our agreement on how we should do our work,” ayon sa pangulo.
Ayon sa pangulo, isang isolated incident lamang ang nangyari, at isa lamang si Nuezca sa klase ng mga pulis na mayroong sakit sa utak at mayroong topak.
Tiniyak din ni Pangulong Duterte na hindi matatakasan ni Nuezca ang parusa sa kaniyang ginawang krimen lalo pa at kuhang-kuha sa video ang nangyari.
“I don’t think that you can escape the rigors of justice because nakuha sa TV. Pati ako napanga-nga…That’s unfair and brutal masyado,” dagdag ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.