2 posibleng may kaugnayan sa pekeng bank accounts, inilahad ng RCBC
Tinukoy ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) ang dalawa sa mga responsable sa pagbuo ng mga pekeng bank accounts para paglagakan ng $81 million na dirty money na ninakaw mula sa Bangladesh.
Sa report na isinumite ng RCBC sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), nakasaad na mukha ni RCBC reserve officer Adrian Ranas Yujuico ang nakalagay sa ID ng pekeng account na nakapangalan sa isang Jesse Christopher Magno Lagrosas.
Ayon kay RCBC anti-money laundering lawyer Ronald Allan Abarquez, iniimbestigahan na ng bangko ang pakikipagsabwatan umano ni Yujuico sa sinibak na branch manager na si Maia Deguito.
Si Yujuico kasi umano ang nagsagawa, at nag-ayos sa kaniyang tahanan ng mga pagpupulong kasama si Deguito.
Sa parehong report rin inilahad ng RCBC na ang lisensya namang ginamit para magbukas ng isa pang account sa ilalim ng pangalan na Michael Francisco Cruz ay nagtataglay ng litrato ng isang senior manager ng ibang bangko.
Hindi naman malinaw kung alam ba ng taong ito na ginamit ang kaniyang litrato para bumuo ng bago at pekeng account.
Nakatanggap ng $30 million ang account sa pangalan ni Lagrosas, habang $6 million naman ang inilagak sa account sa pangalan ni Cruz, at lahat ng ito ay pawang bahagi ng $81 million na ninakaw mula sa Bangladesh central bank.
Samantala, may dalawang iba pang pekeng bank accounts ang binuo sa Jupiter branch ng RCBC kung saan namuno si Deguito, sa ilalim ng mga pangalang Alfred Santos Vergara at Enrico Teodoro Vasquez ang nakatanggap naman ng $20 at $25 million mula sa nakaw na pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.