Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa mahigit P5.1 milyong halaga ng shabu sa Cebu City, araw ng Lunes (December 21).
Sanib-pwersa ang PDEA RO VII Regional Special Enforcement Team (RSET) at RPDEU 7 sa ikinasang buy-bust operation sa bahagi ng R. Palma Street, Barangay San Roque bandang 10:20 ng umaga.
Nahuli sa operasyon ang drug suspect na si Carlito Segador Ablay, 44-anyos.
Nakumpiska kay Ablay ang isang large plastic pack na hinihinalang shabu na may estimated market value na P3.4 milyon, digital weighing scale, at buy-bust money.
Bandang 12:10 naman ng tanghali, naaresto ng mga operatiba ng RPDEU 7, PDEA RO VII RSET, PDEA RO VII Seaport Interdection Unit (SIU), Coast Guard Intelligence Group (CGIG-CV), at Coast Guard Sub-Station Aduana ang dalawa pang drug suspect sa Siitio Avocado, Barangay Mambaling.
Nakilala ang mga drug suspect na sina Reymart Ponsica, 23-anyos; at Robert Dayday Esco, 23-anyos.
Nakuha sa dalawa ang 10 knot-tied plastic packs na naglalaman ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon at buy-bust money.
Kasong paglabag sa Article 2 ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa mga drug suspect.